Nagbibigay ang Gobyerno ng Australia ng libreng ligal na tulong para sa mga nagiisip na mag-aplay para sa isang Australian Protection visa.
Tinitiyak ng serbisyong ito na ang mga posibleng aplikante para sa Protection visa (subclass 866) ay makakukuha ng tumpak na payo hinggil sa imigrasyon at visa.
Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa isa sa mga libreng tagapagbigay ng ligal na serbisyo para sa mga refugee at imigrasyon na nakalista sa website ng Home Affairs, malalaman nila kung sila ay kwalipikado at masisigurong hindi sila magpapasya ng mali.
“Ang mga libre at kumpidensyal na serbisyong ligal na ito ay makatutulong sa mga tao na maunawaan kung sila ay kwalipikado para sa Protection visa bago mag-aplay,” sabi ng tagapagsalita ng Australian Department of Home Affairs.
Ang mga Protection visas ay para sa mga tunay na naghahanap ng asilo (at kanilang mga miyembro ng pamilya) na nahaharap sa tunay na panganib ng malubhang pinsala kung sila ay babalik sa kanilang bansa. Ito ay hindi para sa mga taong nais lamang manatili nang mas mahaba sa Australya upang magtrabaho.
Ang mga taong tinanggihan ang kanilang aplikasyon ay hindi makakapag-aplay para sa karamihan ng iba pang visa sa Australya. Maaari ring maging mahirap para sa mga tinanggihan na aplikante ng Protection visa at kanilang mga pamilya na makabisita sa Australya sa hinaharap, kahit na sa isang visitor, student o temporary work visa.
Ang aplikante ay maaaring mapilitang magbayad sa Gobyerno ng Australya para sa gastos ng kanilang pag-alis, na maaaring umabot ng libu-libong dolyar. Maari rin itong makaapekto sa mga hinaharap na aplikasyon ng visa sa ibang mga bansa, depende sa visa na kanilang inaaplayan.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga Protection visa at sa libreng ligal na tulong na nakalaan sa mga potensyal na aplikante ng Protection visa, bisitahin ang homeaffairs.gov.au/protection.








